Ex-Isabela Governor Grace Padaca, Pinawalang-sala sa kasong Graft ng Sandiganbayan

Cauayan City, Isabela- Ikinatuwa ni dating Isabela Governor Grace Padaca ang naging desisyon ng Sandiganbayan na ipawalang-sala ang isa sa dalawang kasong kinakaharap nito na Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act matapos hatulang guilty taong Nobyembre 2019.

Ito ay sa kabila umano ng 25-million agricultural project na pinautang sa mga magsasaka na hindi dumaan sa public bidding noong sya pa ang nanunungkulang gobernador.

Ayon kay Padaca, hindi naman kinakailangan na magkaroon ng public bidding dahil wala naman biniling kagamitan para isailalim sa bidding dahil pagpapautang lamang ang ginawa sa mga magsasaka sa pagitan ng isang NGO na siyang mamamahala sa nasabing aktibidad kung kaya’t nabago aniya ang desisyon ng Sandiganbayan na ipawalang-sala ito sa nabanggit na kaso.


Paliwanag pa ng dating opisyal, hindi na siya umasa pa na mababaligtad ang desisyon ng korte makaraan itong maghain ng motion for reconsideration sa kanyang kasong graft.

Iginiit ni Padaca na ang libu-libong magsasaka sa Isabela ang makasasagot kung talagang ninakaw nito ang halagang P25-million agricultural project funds ng siya ang gobernador pa ng lalawigan.

Matatandaang sa panahon ni Padaca ng simulang maitaas ang presyo ng bentahan ng palay mula sa mga magsasaka.

Sa ngayon ay nananatiling kinakaharap ni Padaca ang kasong malversation dahil sinasabing umutang ito sa Development Bank of the Philippines (DBP) ng walang pahintulot mula sa mga kinatawan ng Sangguniang Panlalawigan.

Si Padaca ay dating Comelec commissioner noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Facebook Comments