
Kinumpirma ng Korte Suprema na nagbayad na si dating National Task Force to end Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy ng kaniyang multa dahil sa indirect contempt.
Noong August 2023 nang hatulang guilty si Badoy dahil sa mga pag-atake nito online laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar ng Manila Regional Trial Court Branch 19.
Noong September 21, 2022 kasi nang mag-isyu ng resolusyon si Malagar na nagbasura sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) para isama ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) bilang terrorist group sa ilalim ng Human Security Act.
Makalipas ang ilang araw, nag-post si Badoy sa kaniyang Facebook ng mga insulto laban sa hukom na tinawag nitong kaibigan ng CPP-NPA-NDF.
Nagbanta rin si Badoy na papatayin si Judge Malagar at nagsabi pa na bobombahin ang mga opisina ng mga hukom na maituturing na kaibigan ng mga terorista.
Dito na nag-ugat ang paghahain ng petisyon ng ilang grupo ng mga abogado para ipa-cite dahil sa indirect contempt.
Ayon sa Korte Suprema, kailangan mabalanse ang kalayaan sa pagpapahayag at proteksiyon ng judicial independence.
Nasa P30,000 ang binayaran ni Badoy na multa dahil sa indirect contempt.










