Ex-official, pinaghahanap matapos maaresto ang 3 nitong kasabwat sa gunrunning

Isang dating halal na opisyal ng Danao City sa Cebu ang kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos makatakas sa buy-bust operation laban sa iligal na bentahan ng armas.

Tatlo sa kaniyang mga kasabwat ang nadakip sa operasyon na pinangunahan ng Regional Special Project Unit 7 at Regional Mobile Force Battalion, kasunod ng ilang buwang surveillance.

Hindi pa tinutukoy ng pulisya ang pangalan ng tumakas na opisyal.


Nasamsam ng mga awtoridad ang iba’t ibang armas, kabilang ang tatlong caliber .45 pistol, unassembled KG9 machine pistol, at Black Widow 9mm pistol.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 7 Regional Director Brigadier General Redrico Maranan, ang mga suspek ay miyembro ng isang sindikato na nagsu-supply ng loose firearms sa mga criminal groups sa Central Visayas at iba pang bahagi ng bansa.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code ang tatlong nadakip na suspek.

Samantala, nahaharap din sa kasong kriminal ang dating opisyal.

Facebook Comments