
Handa umanong tumestigo si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang sinabi ngayong Lunes ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla matapos na kumpirmahin ng Bureau of Immigration (BI) na saglit na bumalik ng Pilipinas si Garma bago magtungo ng Malaysia kagabi.
Ayon kay Remulla, nasa naturang bansa si Garma para makipag-usap sa mga kinatawan ng ICC.
Si dating Senator Antonio Trillanes IV umano ang nagsisilbing tulay sa pag-uusap ni Garma at ng ICC at nakahanda lamang ang DOJ na protektahan ang mga tetestigo.
Inaasahang magiging bahagi ng mga witness si Garma sa gaganaping confirmation of charges ng ICC laban sa dating pangulo.
Si Garma ay isa sa pinakamataas na opisyal ng dating administrasyon na kumumpirma sa umano’y reward system kaugnay sa kampanya kontra iligal na droga na inilunsad ni Duterte.









