Ex-PNP Chief Alan Purisima at 16 na iba pa, inabsuwelto ng Sandiganbayan sa kasong graft

Inabsuwelto ng Sandiganbayan si dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima at 16 na iba sa graft matapos masangkot sa maanomalyang courier services contract sa Werfast Documentation Agency, Inc. (Werfast) noong 2011

Ayon sa Anti-graft Court Sixth Division na pinamumunuan ni Associate Justice Sarah Fernandez, bigo ang prosekusyon na patunayang ang pagkakasala ng mga akusado.

Dahil dito, wala raw civil liability at tinanggal na rin ang hold-departure orders laban kay Purisima at iba pang sangkot sa maanomalyang kontrata.

Kasama sa mga akusado sa kaso ang mga dating opisyal ng PNP na sina Napoleon Estilles, Gil Meneses, Raul Petrasanta, Allan Parreño, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista, Ford Tuazon at Ricardo Zapata, Jr., at Werfast incorporators na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena at Juliana Pasia.

Kung maalala, noong 2016, natuklasan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na nakipagkasundo ang PNP sa Werfast services para sa pag-deliver ng firearms license cards sa mga registered gun owners sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement noong May 2011 kahit walang track record ang kumpanya bilang courier service.

Sa imbestigasyon noon ng Ombudsman na hindi nagsagawa ng public bidding para sa kontrata ang mga top PNP official.

Lumalabas na ang Werfast ay nakipag-ugnayan sa serbisyo ng LBC at nangolekta ng ₱190 para sa deliveries sa Metro Manila hbang ang ibang courier service providers ay ₱90 lamang ang singil sa parehong area.

Facebook Comments