Inihayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang makausap si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa ginagawang imbestigasyon sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Sa pulong balitaan sa Davao, sinabi ni Duterte na gusto niyang makipag-usap sa pangulo lalo na’t wala namang nakikitang alegasyon o pagkakamali ang NTC.
Sa ngayon, hindi pa pinapayagang umere ang SMNI dahil sa ipinataw na 30-day suspension order.
Nag-ugat ito dahil sa ilang paglabag ng SMNI sa kanilang prangkisa na nakita sa pagdinig ng kongreso gaya ng pagkabigong kumuha ng basbas mula sa kongreso sa pagpapalit ng ownership sa shares ng stocks.
Lumabag din umano ang SMNI dahil sa pagkabigong ipamahagi ang 30 percent ng ownership sa publiko at pagkabigong gampanan ang responsibilidad nang magpakalat ng mga maling impormasyon at pagbabanta.
Naging kontrobersyal din ang pagbabanta ni Duterte kay House Deputy Speaker at ACT Teachers Rep. France Castro at sa pahayag ng isa sa host ng SMNI na may P1.8 bilyong travel funds umano si House Speaker Martin Romualdez, bagay na pinabulaanan ng Kamara.
Pinag-iinhibit naman ng SMNI ang tatlong opisyal ng NTC sa kaso para matiyak ang pagiging patas ng imbestigasyon.
Samantala, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na bukas ang Malacañang sakaling makipag-usap si Duterte.