Tuesday, January 20, 2026

Ex-Sen. Revilla, sa BJMP Quezon City Jail Male Dormitory pansamantalang ikukulong

Pansamantalang ikukulong sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas Road, Quezon City si dating Senador Bong Revilla.

Kasunod na rin ito ng naging pagharap niya kanina sa mga mahistrado ng Sandiganbayan.

Ipinatawag kanina ang jail warden ng male jail dormitory at tinanong kung masisiguro nila ang kaligtasan ng dating senador.

Lumilitaw na may 521 na tauhan umano ang naturang jail facility at may 200 na jail personnel ang nagbabantay kada shift.

Mananatili sa naturang jail facility si Revilla habang pinag-aaralan ng Sandiganbayan kung saan siya dadalhin.

Naghain kasi ng mosyon ang kampo ni Revilla na humihiling na sa Kampo Krame siya dalhin.

Pero, ayon kay Justice Karl Miranda ng 3rd Division ng Sandiganbayan, sumulat sa kanila si acting Philippine National Police (PNP) Chief PLt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr . na humihiling na huwag nang dalhin si Revilla sa PNP custodial center.

Ito’y sa kadahilanang may mga terrorist at high risk na Person Deprive of Liberty (PDL) na nasa kanilang kustodiya.

Malaking gastos din ito sa panig ng PNP lalo na kung palagiang ibabiyahe si Revilla.

Itinakda sa Biyernes ang pagtalakay sa kung saan dadalhin si Revilla.

Isasabay na rin dito ang gagawing arraignment o pagbasa ng sakdal laban sa kaniya.

Facebook Comments