Ex-Senator Leila de Lima, hinimok si PBBM na bumalik ang Pilipinas sa ICC

Hinikayat ni dating Senador Leila de Lima si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang interview, sinabi ni De Lima na ito ang tamang gawin upang makamit ang hustisya sa nangyaring pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Aniya, maaaring gamiting reference sa imbestigasyon ng icc ang naging rebelasyon nina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na nakausap nina De Lima noong iniiimbestigahan nila ang Davao Death Squad noong 2009.


Si De Lima ang tumatayong chairperson ng Commission on Human Rights noon.

Dagdag niya, ang drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay replication ng DDS killings.

Taong 2019 nang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute matapos nitong imbestigahan ang drug war killings ng nakaraang administrasyon.

Kamakailan naman nang sabihin ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na bumalik ang bansa sa ICC.

Samantala, natanggap na kahapon ng Department of Justice ang liham ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagtutol nito na bumalik ang Pilipinas sa ICC.

Pinag-aaralan na raw ito ng DOJ.

Pero ayon kay DOJ Asec. Mico Clavano, “very valid” ang mga argumentong inilahad ni VP Sara gaya ng hurisdiksyon, complementarity issue, at mekanismo ng pagpapaparusa lalo’t magkaiba ang rules of evidence and appeals ng ICC at ng Pilipinas.

Samantala, sabi ni Clavano, hindi pa nakakapag-usap sina Pangulong Marcos at DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil sa nasabing isyu.

Facebook Comments