EXCISE TAX | Grab Philippines, humiling ng dagdag-pasahe

Manila, Philippines – Hiniling ngayon ng Grab Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-singil dulot ng karagdagang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Leo Gonzales, tagapagsalita ng Grab Philippines, nais nilang taasan ng 5% ang pasahe para sa kanilang drivers sa buong bansa kung saan mula P10.00 hanggang P14.00 kada kilometro, magiging P11.00 hanggang P15.00 na ang rate ng Grab.

Sinabi pa ni Gonzales na hiniling din ng Grab ang 10 sentimong dagdag kada minuto dahil kasalukuyang P2.00 ang singil ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) kada minuto pero mananatili naman sa P40.00 ang base fare.


Humingi naman ng pang-unawa si Gonzales dahil ang kanilang ginawang hakbang ay para sa kabuhayan ng Grab drivers na tiyak na maapektuhan sa pagtaas ng excise tax sa gasolina.

Nabatid na sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, tataas nang piso ang kada litro ng liquified petroleum gas, P2.50 kada litro ng diesel at P2.65 sa kada litro ng gasolina.

Facebook Comments