
Inirekomenda ni Senador Win Gatchalian na i-refund na lamang ng gobyerno sa mga oil company ang naunang nabayarang excise tax mula sa old inventory ng langis.
Ito ay upang kaagad maramdaman ng taumbayan ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, lalo’t sa April 13 pa posibleng maipatupad ang suspensyon sa fuel excise tax.
Paliwanag ni Gatchalian, sa sistema ng pagpasok ng langis sa bansa ay agad nang binabayaran ang excise tax kaya hindi kaagad mararamdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo dahil karamihan sa old inventory ay bayad na ang buwis.
Dagdag ng senador, mayroon pang 57 araw na imbentaryo sa gasolina habang 47 araw naman sa diesel ang kailangang hintaying maubos para maramdaman ang epekto ng pagbaba ng excise tax.
Dahil dito, iminumungkahi ni Gatchalian na i-refund na lamang ng gobyerno sa mga kumpanya ng langis ang naunang binayarang excise tax mula sa natitira pang imbentaryo.
Katwiran ng mambabatas, i-refund man ito ng pamahalaan o hindi, pareho lamang itong magdudulot ng revenue loss sa panig ng gobyerno.










