“Excuse letter” ni suspended Mayor Alice Guo, hindi tinanggap ng Senado

Hindi tinanggap ng Senate Committee on Women ang panibagong “excuse letter” ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo o si Guo Hua Ping.

Nauna rito ay hiniling na ng Senado ang pagpapaaresto at pagpapa-cite in contempt kay Guo gayundin sa pamilya at sa iba pang sangkot sa iligal na operasyon ng mga POGO sa Tarlac at sa Porac, Pampanga.

Sa pagdinig sinabi ni Senate Committee Chairperson Risa Hontiveros na walang kalakip na medical certificate si Guo.


Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na nakakadismaya dahil pangalawang beses nang dinedma ni Guo ang pagdinig ng komite at nagpapakita ito ng kawalan ng respeto sa institusyon at sa proseso ng Senado sa paghahanap ng katotohanan.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Homer Arellano, Head ng Bureau of Immigration Prosecution and Legal Assistance Section, na nakaalerto na sila sa BI sa airports at subports sa bansa upang maharang ang paglabas sa bansa ni Guo.

Agad na mag-iisyu ng hold departure order ang BI oras na maisilbi ang arrest order laban kay Guo.

Batay sa kanilang impormasyon nasa bansa pa sina Mayor Alice at ang mga kapatid nito na sina Shiela, Seimen at Wesley pero ang mga magulang nito na sina Jian Zhong Guo at Lin Wenyi ay nakaalis na sa bansa at mukhang malabong bumalik ng bansa.

Facebook Comments