Executive Order 128, idinepensa ni Finance Secretary Dominguez sa pagdinig ng Senado

Sa pagdinig ngayon ng Senado ay idinepensa ni Finance Secretary Carlos Sonny Domniguez ang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na itaas sa mahigit 404,000 metriko tonelada ng aangkating pork ngayong taon at pagbaba sa taripa nito.

Ang nabanggit na mga hakbang ay laman ng Executive Order 128 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayon kay Dominguez ay dumaan sa mahigpit na pag-aaral at konsultasyon at magiging kapaki-pakinabang sa buong bansa.

Giit ni Dominguez, pansamantala o short term solution ang EO 128, kasabay ang pagtiyak na hindi nito papatayin ang local hog industry dahil sasaklawin lang nito ang 28.5 percent ng average pork consumption ng mga Pilipino.


Paliwanag ni Dominguez, nagkulang ng suplay ng pork sa bansa dahil sa African Swine Fever (ASF) kaya kailangang dagdagan ang pag-angkat upang mapanatag din ang presyo nito ngayon na lubhang mataas.

Dagdag pa ni Dominguez, bagama’t mawawalan ang gobyerno ng 13.8 billion pesos dahil sa ibabang taripa sa imported na pork ay aabot naman sa 67.83 billion pesos ang matitipid ng mga mamimili.

Facebook Comments