Ikinalugod ng mga senador ang pag-iisyu ni Pangulong Bongbong Marcos ng Executive Order patungkol sa tuluyang pag-ban ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian, ito ay nagpapatunay sa commitment o pangako ng gobyerno na pangalagaan ang mga mamamayan at bansa mula sa mga pang-aabuso at kapahamakang dulot ng POGO.
Pinuri rin ng mambabatas ang mga kaukulang ahensya tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang agresibong pagtugis sa mga POGO sa bansa.
Samantala, tiniyak naman ni Senator Joel Villanueva na itutuloy pa rin ng Senado ang pagpapatibay sa Anti-POGO Act at Anti-Online Gambling Act na ang parehong layunin ay wakasan at parusahan ang lahat ng uri ng e-gambling sa bansa.
Dagdag pa ni Villanueva, ang legislative action ang mas magpapatibay sa polisiya ng Ehekutibo laban sa mga POGO at magbibigay ng pangmatagalang impact para sa bansa.