Cauayan City, Isabela- Inalmahan ng ilang health workers ang hakbang ng Local Government Unit ng Santiago City matapos ipag utos ang pagbabawal sa pagsusuot ng medical uniforms, white coat o scrub suit sa mga pampublikong lugar pagkatapos ng kanilang trabaho.
Alinsunod ito sa Executive Order no.2021-08-02 o “𝑨𝒏 𝑬𝒙𝒆𝒄𝒖𝒕𝒊𝒗𝒆 𝑶𝒓𝒅𝒆𝒓 𝑷𝒓𝒐𝒉𝒊𝒃𝒊𝒕𝒊𝒏𝒈 𝑨𝒍𝒍 𝑯𝒆𝒂𝒍𝒕𝒉 𝑾𝒐𝒓𝒌𝒆𝒓𝒔 𝒊𝒏 𝒕𝒉𝒆 𝑪𝒊𝒕𝒚 𝒐𝒇 𝑺𝒂𝒏𝒕𝒊𝒂𝒈𝒐 𝒇𝒓𝒐𝒎 𝒖𝒔𝒊𝒏𝒈 𝒕𝒉𝒆𝒊𝒓 𝑼𝒏𝒊𝒇𝒐𝒓𝒎𝒔, 𝑾𝒉𝒊𝒕𝒆 𝒄𝒐𝒂𝒕, 𝒂𝒏𝒅/𝒐𝒓 𝑺𝒄𝒓𝒖𝒃 𝒔𝒖𝒊𝒕𝒔 𝒊𝒏 𝑷𝒖𝒃𝒍𝒊𝒄 𝑷𝒍𝒂𝒄𝒆𝒔 𝒂𝒇𝒕𝒆𝒓 𝒕𝒉𝒆𝒊𝒓 𝑹𝒆𝒔𝒑𝒆𝒄𝒕𝒊𝒗𝒆 𝑺𝒉𝒊𝒇𝒕𝒔/𝑫𝒖𝒕𝒊𝒆𝒔.”
Dahil dito, kaliwa’t kanan ang naging komento ng mga indibidwal na kabilang sa health sector at sinasabing isa umano itong diskriminasyon sa kanilang hanay at sabay hamon sa LGU na magpalit nalang sila ng katayuan para malaman ang kanilang sitwasyon sa loob ng mga ospital.
Dagdag pa dito, pinaalalahanan din ng mga netizen na ayusin nalang ang pagkontrol sa public gathering at hindi sila ang dapat tutukan sa ganitong hakbang ng pamahalaang lokal.
Anila, alam ng health workers ang polisiya sa kung saan dapat isuot at hubarin ang medical uniforms dahil bahagi anila ito ng alituntunin ng mga ospital.
Giit pa nila, hindi lang naman health workers ang exposed sa virus dahil mas high-risk ang exposure ng mga taong regular na nasa lansangan.
Ilan pa sa mga komento ng netizen ay dapat umanong iprayoridad ng pamahalaan ang pagsisigurong walang dumudura sa mga public places.
Batay naman sa mga naging tugon ng LGU Santiago sa kanilang social media page hinggil sa mga komento ng netizen, hindi umano maiiwasan na posibleng makapanghawa pa rin ang suot na Personal Protective Equipment (PPE) ng mga health workers, bagay na hindi malinaw para sa mga naturang sektor.
Giit nila, magkaiba ang PPE sa kalimitan nilang suot na medical uniform, white coat at scrub suit kung kaya’t malaking kalituhan para sa mga ito ang inilabas na kautusan ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sinisikap ng news team na mahingan ng pahayag si Mayor Joseph Tan at ang tanggapan ng City Health Office kaugnay rito.