Executive Order na nakasaad ang pagsunod ng Pilipinas sa International Labor Standards, pinirmahan na ni PBBM

May regalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga manggagawa kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1.

Sa panayam ng pangulo sa eroplano patungo sa Washington D.C., sinabi nitong nilagdaan na niya ang isang Executive Order na kung saan ibabatay na ng Pilipinas sa International Labor Organization ang sektor ng paggawa sa bansa.

Ayon sa presidente, ibig sabihin nito ay tatalima ang Pilipinas sa international labor standards.


Natukoy na aniya ng Department of Labor and Employment (DOLE), kung saang parte ng sistema sa paggawa mahina ang Pilipinas.

Sa ngayon, inaayos na aniya ito ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Matatandaang may alok na 73,000 na trabaho ang DOLE sa iba’t ibang job fair na isinagawa sa buong bansa.

Mayroon ding inilaan na P1.8 bilyong pondo na ipinang-ayuda ang DOLE sa mga manggagawa na nawalan ng trabaho.

Ang pangulo ay nasa Washington D.C. ngayon para sa kanyang limang araw na official visit.

Facebook Comments