Umani ng iba’t ibang reaksyon ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Executive Order (EO) No. 3 na layong gawing hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa labas na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Suportado ng OCTA Research Group at ni Infectious Disease Expert Dr. Edsel Salvana ang kautusan ng pangulo hinggil sa pagluluwag ng face mask mandate sa bansa.
Ayon sa OCTA, dapat maging batayan na ang siyensya sa anumang pagbabago sa polisiya sa pagtiyak sa kaligtasan ng publiko.
Pero, sinabi ng OCTA na dapat paigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna kontra sa sakit at umaasa sila na magtatakda ang administrasyong Marcos ng “set of triggers” para sa muling pagpapatupad ng face mask sa outdoor spaces sakaling magkaroon muli ng COVID-19 surge.
Sa Laging Handa public press briefing, pinaliwanag naman ni Dr. Salvana na may posibilidad naman talaga sa pagtaas ng kaso ng COVID-19, pero sa ganitong paraan ay tignan natin kung kakayanin at kinakailangan na rin naman natin magsimula sa tinatawag na “new normal”.
Samantala, hindi naman pabor ang ilang mga doktor at ang National Parent Teacher Association (NPTA) sa naturang pagluluwag sa pagsusuot ng face mask.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Vaccine Expert Panel (VEP) Chairperson Dr. Nina Gloriani na nangangamba siya dahil baka magdulot ng complacency sa publiko at isipin nilang hindi na kailangan ang pagsusuot ng face mask.
Ayon naman kay Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) President Dr. Rene de Grano, masyado pang maaga para alisin ang outdoor face mask mandate dahil mababa pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nagpapaturok ng booster dose.
Iginiit pa ni Dr. De Grano na wala pang “wall of immunity” ang bansa dahil malamang aniya ay halos wala nang epekto ang primary series ng COVID-19 vaccine.
Sinabi naman ni Philippine College of Physicians Immediate Past President Dr. Maricar Limpin na hindi pa napapanahon ito.
Ayon kay Dr. Limpin, nakikita naman natin na bahagyang umaakyat ang kaso ng COVID-19 sa bansa at ang mga na-a-admit sa mga ospital.
Pinayuhan naman ni Dr. Anna Ong Lim ng Department of Health (DOH) Technical Advisory Group ang mga magulang na pagsuotin pa rin ng face mask ang mga anak sa labas, lalo na ngayong nagsisimula na ang in-person classes.
Kasunod rin nito, nanawagan si NPTA Vice President-Internal Lito Senieto sa Department of Education (DepEd) na pag-aralang mabuti ang utos ng pangulo hinggil sa kautusan na boluntaryong pagsusuot ng face mask.
Ayon kay Senieto, naniniwala kasi sila na malaking proteksyon ang ibinibigay ng face mask sa mga bata laban sa COVID-19.
Batay sa EO No. 3 ay maaari nang hindi magsuot ng face mask sa mga lugar na may maayos na bentilasyon, pero inirerekomenda pa rin na magsuot ang mga hindi fully-vaccinated, senior citizens, mga immunocompromised at mga estudyante.