Naglabas na ng kautusan ang lokal na pamahalaang lungsod ng Makati para sa pagpapatupad ng curfew at pansamantalang pagsasara ng mga business establishment sa lungsod.
Ito ay bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng nilagdaang Executive Order No.10 ni Mayor Abby Binay, epektibo bukas, sarado muna ang mga mall maliban sa mga grocery store, pharmacy, 24/7 convenience store at banko.
Mananatili ring bukas ang mga restaurant pero bawal ang dine-in, take out o delivery services lamang ang papayagan.
Para sa mga hotel at condotel, mananatili rin silang bukas pero tanging bisita lang nila ang maaaring kumain sa mga restaurant.
Pinalalaahanan naman ng alkalde ang mga establisyimento na mananatiling bukas na sumunod sa social distancing.
Kabilang naman sa mga establisyimentong isasara ay ang lahat ng city-run facilities, eskwelahan, barangay hall, multi-purposes hall, theater, private basketball at badminton courts at lahat ng klase ng bar.
Simula rin bukas, ipapatupad ang curfew sa lungsod mula alas 8:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.
Exempted sa curfew ang mga health worker, skeletal forces ng City Hall, mga empleyado at pupunta sa airport.
Ipapatupad din ng Makati Local Government Unit (LGU) ang tinatawag nitong “Otso-Otso” kung saan magsasagawa ng disinfection tuwing 8 am at 8 pm araw-araw.
Ayon kay Binay, handa ang Makati sa pagtugon kontra COVID-19.
Target din nilang bumili ng mga test kits para makapagsagawa ng test sa mga residente nitong makikitaan ng sintomas ng virus.
Bukas, nakatakda ring magpasa ng resolusyon ang alkalde para sa pagdedeklara ng State of Calamity.
Sa ngayon, 14 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Makati.