Executive Sec. Vic Rodriguez at bagong SRA officials, ipatatawag sa susunod na pagdinig kaugnay sa sugar importation

Hiniling ni Senator Risa Hontiveros ang muling pagpapatawag kay Executive Secretary Victor Rodriguez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa iligal na sugar importation order.

Hindi kasi natanong kanina sa pagdinig ng Blue Ribbon si Rodriguez nang humarap ito sa mga senador dahil agad ding umalis para sa dadaluhan namang Cabinet meeting.

Giit ni Hontiveros, maraming kailangang ipaliwanag si Rodriguez lalo’t lumabas sa pagdinig na may nalalaman pala ito sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4 bago pa lumutang na walang pag-apruba rito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Nais matanong ni Hontiveros sa susunod na pagdinig kung naiparating ni Rodriguez kay Pangulong Marcos ang nasabing draft ng SO4 dahil bilang executive secretary ay dapat pinoprotektahan nito ang pangulo at siyang dapat na gate keeper sa Malakanyang.

Humabol naman ngayong hapon sa pagdinig ng Blue Ribbon ang nagbitiw at dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator na si Hermenegildo Serafica.

Bukod kay Rodriguez ay ipapatawag na rin sa susunod na pagdinig ang mga bagong opisyal ng SRA.

Facebook Comments