Ipinapa-subpoena na ng Senate Blue Ribbon Committee si Executive Secretary Victor Rodriguez para ma-obliga na itong humarap at sagutin ang mga katanungan kaugnay sa hindi awtorisadong sugar importation order.
Nagsagawa ng ‘secret balloting’ ang komite kung saan sa botong 11 na sang-ayon, tatlong tutol at tatlong abstain ay nagkasundo na ang komite na i-subpoena si Rodriguez.
Si Rodriguez ay pahaharapin muli sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na gaganapin muli sa Huwebes, September 8, alas-10:00 ng umaga.
Bago ito ay nag-executive session muna ang mga miyembro ng Blue Ribbon para aksyunan ang naunang mosyon ni Senator Risa Hontiveros na i-subpoena na ang executive secretary dahil ikatlong beses ng iniiwasan ni Rodriguez ang mga katanungan ng Senado ukol sa iligal na Sugar Order No.4.
Giit ni Hontiveros, maaari namang dumalo si Rodriguez sa pagdinig via Zoom para naman masagot na rin ang mga katanungan ng mga senador na ibabase rin naman sa naunang testimonya ng executive secretary.
Ikinadismaya rin ng senadora ang tila hindi paggalang ng executive secretary sa imbitasyon ng Senado na humarap sa pagdinig dahil may naunang abiso rin si Rodriguez na sasagutin niya “in written” o sa sulat lang ang mga katanungan ng mga senador.
Maging si Minority Leader Koko Pimentel ay nagpahayag din ng pagkadismaya noong una dahil napakasimple lang ng pagpapa-subpoena kay Rodriguez pero ito ay idinaan pa sa executive session.