Executive Secretary Victor Rodriguez, nag-abiso na hindi makakadalo sa susunod na pagdinig ng iligal na Sugar Order No. 4

Nagbigay na ng abiso si Executive Secretary Victor Rodriguez na hindi siya makakadalo sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa iligal na sugar importation order.

Sa pulong balitaan ay sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino na nagpadala ng liham si Rodriguez sa kanya at nagpasabi na magiging abala siya sa susunod na linggo dahil sa magkakasunod na state visits ni Pangulong Bongbong Marcos sa Indonesia sa September 4-6 at Singapore sa September 6-7.

Sa abiso ni Rodriguez sa Senado ay tututok siya sa mga paghahanda sa biyahe ng Pangulo na agad ding susundan ng byahe nito sa Estados Unidos.


Nakasaad pa sa liham ng Executive Secretary na sinagot na niya ang ang mga katanungan patungkol sa Sugar Order No. 4 na siyang sentro ng imbestigasyon ngayon ng Blue Ribbon Committee.

Paliwanag pa ni Rodriguez sa sulat na draft lang at hindi naman nag-materialize ang nasabing sugar importation order.

Sa susunod na Martes ay ikatlong pagdinig na ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa Sugar Order No. 4 at nais ni Tolentino na ito na sana ang maging huling pagdinig ng komite sa kontrobersyal na isyu sa pagaangkat ng asukal.

Facebook Comments