Exemption na ibinigay sa spending ban, maaaring bawiin anumang oras —Comelec

Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga ahensiya ng gobyerno na magbabantay silang mabuti kaugnay sa paggastos sa pag-iral ng spending ban.

Sa ambush interview, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ngayong binigyan na ng exemptions ang ilang ahensiya ng gobyerno ay dapat maging tapat ang mga ito sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Hindi raw dapat ito mahaluan ng pulitika at magkaroon ng kinikilingan na supporter ng sinumang kandidato.


Nitong Lunes nang payagan ng poll body ang hiling ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na i-exempt ang siyam na programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa spending ban.

Sakali namang mapatunayan na ginagamit ang programa ng gobyerno para sa pansariling kapakanan ng mga kandidato, sinabi ni Garcia na maaaring maharap ang mga ito sa election offense lalo na kung may magsusumbong.

Pwede rin aniyang bawiin anumang oras ang ibinigay na exemption ng Comelec sa programa.

Hinimok naman ni Garcia ang publiko na agad isumbong kung may nangyayaring pang-abuso sa paggamit ng pondo ng gobyerno.

Facebook Comments