Manila, Philippines – Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang Maternal and Infant Health Home Visitation Program.
Unanimous ang naging boto ng mga kongresista para sa House Bill 9186 na layong protektahan ang buhay ng mga nanay at ang mga ipinagbubuntis na sanggol.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang gobyerno na magbigay ng prenatal at postnatal maternity at infant care services sa ilalim ng home visitation program.
Oobligahin ang mga health centers na magtalaga ng health professional o isang qualified non-professional na siyang maghahatid ng maternal at infant care services sa mismong tahanan ng mga beneficiaries.
Ang mga buntis na may edad na hindi hihigit sa 21 taong gulang o ang pamilya na may sanggol na hanggang isang taon at kabilang sa may pinakamababang kita ay eligible para makatanggap ng maternal at infant care services.
Kabilang sa maternal at infant care services ay counseling sa lahat ng aspeto ng prenatal care, childbirth at motherhood, nutrition at general family counseling gayundin ang physical examination sa mga nanay at sanggol.