Expanded number coding scheme, hindi makaaapekto sa pagko-commute ng mga pasahero – MMDA

Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi makaaapekto sa pagko-commute ng mga pasahero ang ipatutupad na expanded number coding scheme sa Agosto 15.

Nababahala kasi ang ilang sektor na baka mahirapan sa pagsakay ang mga pasahero kung malilimitahan ang bilang ng mga sasakyan sa pagbiyahe sa mga partikular na oras sa buong araw, lalo na’t balik-eskwela na ang mga estudyante.

Pero ayon kay MMDA Chairman Carlo Dimayuga III, nakipag-ugnayan na ang MMDA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) at tiniyak ng mga ito na magdaragdag sila ng unit para sa EDSA bus carousel.


Magtatalaga rin aniya ng 2,336 na traffic enforcer ang MMDA para makatulong sa pagmamando ng trapiko habang tuloy-tuloy naman libreng sakay mula sa Commonwealth Avenue hanggang Welcome Rotonda.

Epektibo na ang number coding scheme sa Lunes, Agosto 15, simula mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga; at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.

Facebook Comments