Inilabas na ng Senado ang kanilang expenditure report mula January 1 hanggang December 31, 2023.
Aabot sa P3.216 billion ang kabuuang bayarin at gastusin ng Senado at nagkakaiba-iba lamang depende sa paggugol ng bawat opisina ng mga senador.
Saklaw ng mga gastusing ito ang extraordinary and miscellaneous expenses, mga byahe, sweldo at benepisyo ng kanilang mga staff, meetings at conferences, professional/consultancy fees, supplies and materials, renta ng mga sasakyan at kagamitan, maintenance and other expenses.
Lumabas na pinakamatipid sa lahat ng mambabatas si Senator Mark Villar na gumastos lamang ng mahigit P96 million habang pinakamalaki namang gumastos ay si dating Senate President Migz Zubiri na umabot ng mahigit P164 million ang kabuuang bayarin at gastusin.
Posibleng lumobo ang gastos ni Zubiri sa laki ng demands at responsibilidad sa kanya dahil siya pa ang Senate President ng mga panahong iyan.
Sumunod naman si Senate Minority Leader Koko Pimentel na mahigit P161.949 million ang expenses at Senator Joel Villanueva na may P154.796 million, Senate Majority Leader Francis Tolentino na umabot naman ng mahigit P150.263 million at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na umabot ng P144.454 million ang gastos.
Si Senate President Chiz Escudero na umupo sa posisyon noon lamang May 22, 2024 ay nakapagtala ng mahigit P116.884 million na expenses.