Explosive eruption ng Bulkang Mayon, hindi na inaasahan ng PHIVOLCS

Umaasa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi na mauuwi pa sa tinatawag na explosive eruption ang sitwasyon ngayon ng Bulkang Mayon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PHIVOLCS OIC Dr. Teresito Bacolcol na batay sa kanilang monitoring, may pagbagal sa paglalabas ng magma sa bunganga ng bulkan.

Mabagal din ang paglalabas nito ng lava at gas, maging ang paggalaw ng mga bato sa paligid ng bulkan.


Kapag nagpatuloy aniya ang ganitong aktibidad ng Bulkang Mayon, posibleng hindi na itataas pa sa alert level 4 ang bulkan.

Patuloy aniya silang nakabantay sa parameters para sabihing may pangangailangang itaas ang alerto nito.

Ilan aniya rito ay ang biglaang pagtaas sa antas ng ibinubuga nitong gas, pagtaas ng seismic activity, patuloy na pamamaga sa bunganga ng bulkan, pagtaas ng antas ng pyroclastic events, pagkakaroon ng lava fountaining at minor explosives.

Kaya naman, sinabi ni Bacolcol na hindi dapat magpakakampante ang mga residenteng patuloy na nananatili sa 6km hanggang 8km permanent danger zone.

Sa halip dapat aniya ay palagiang on the go o nakahanda agad, para sakali mang itaas ang alerto, agad na sila dapat lumikas.

Facebook Comments