Hindi babalewalain ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga ibinunyag ni Senator Manny Pacquiao na katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Tugon ito ni Committee Chairman Senator Richard Gordon, makaraang ihayag ni Pacquiao na maghahain siya ng resolusyon para maimbestigahan ng Senado ang ibinunyag niyang korapsyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Pero giit ni Gordon, alanganin kung hindi man iregular na wala o hindi makadadalo sa imbestigasyon ang nagpaparatang.
Hindi rin komporme si Gordon na ang tumanggap ng hamon ay biglang aalis at ipapaubaya ang laban sa iba.
Dahil dito ay malamang na sa pagbalik na ng bansa ni Pacquiao sa Agosto o Setyembre masimulan ang imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Senator Koko Pimentel na pagbalik ni Pacquiao mula sa boxing fight sa Amerika ay maglalabas ito ng mga katibayan.