Masasaksihan sa Pilipinas ang kauna-unahang halalan na extended o palalawigin ng ilang araw kapag nabigo ang mga scientist na makalikha ng bakuna o gamot laban sa COVID-19 sa susunod na dalawang taon.
Ito ang sinabi ng Commission on Elections (COMELEC) kasabay ng pagtitiyak sa mga kongresista na magiging ligtas ang nasa 63 milyong Pilipino kapag boboto na sila para sa bagong government leaders sa 2022.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa 2021 budget ng poll body, sinabi ni COMELEC Executive Director Bartolome Sinocruz, masusing pinag-aaralan ang ideyang magsagawa ng halalan sa loob ng ilang araw.
“We will hold elections on May 9 (2022) and then another day or two to continue with the elections. This extended voting hours is still being studied by the Law Department (of the COMELEC),” sabi ni Sinocruz.
Ayon kay Quezon Representative David Suarez, dapat tiyakin ng COMELEC ang public health at safety habang isinasagawa ang ilang election activities tulad ng paghahain ng candidacy at iba pang campaign activities.
Sagot ni Sinocruz, hindi naman ipinagbabawal sa batas ang online filing at pinapayagan ang isang kandidato na magpadala ng kinatawan para sa paghahain ng certificate of candidacy nito.
Dagdag pa ni Sinocruz, ang personal na paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) ay maaaring gawin sa pamamagitan ng batches para maiwasan ang pagsisikip sa COMELEC Offices.
Isang special committee ang binuo para planuhin ang istratehiya para sa isang eleksyon na nasa ilalim ng COVID-19 pandemic.