Manila, Philippines – Binago na ng Social Security System (SSS) ang deadline sa pagbabayad ng monthly contribution para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo 2018.
Ang pagbabago sa deadline ay alinsunod sa inilabas na resolusyon na nirebisa ng social security commission para sa deadline ng pagbabayad ng monthly contributions.
Para sa mga employers, mula sa kasalukuyang deadline na ika-10, ika-15, ika-20, ika-25 at katapusan ng buwan ay maaari na nilang bayaran ang kanilang obligasyon hanggang sa katapusan ng buwan.
Habang ang mga self-employed at voluntary members ay maaaring magbayad ng kontribusyon sa katapusan ng susunod na buwan ng akmang buwan o quarter ng kontribusyon anuman ang huling numero ng kaniyang SSS Number na dating batayan ng deadline ng pagbabayad sa SSS.
Binago ang schedule ng pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro kasunod ng implementasyon ng real time posting of contributions program na mayroong system infrastructure adjustments.
Anumang multa na binayaran ng mga employer base sa kasalukuyang deadline ng mga angkop na buwan mula Enero hanggang Hunyo 2018 ay isasauli ng SSS.