Manila, Philippines – Dadaan pa sa Commission on Election (COMELEC) en banc ang hirit na extension sa pagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Sangguniaang Kabataan (SK) Election.
Ayon naman kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, kung hindi aaprubahan, uutusan na lang ng DILG ang mga alkalde na magtalaga ng “Local Youth and Development Officers” na magpapatupad ng mga programa ng mga SK.
Halos 42,000 ang kailangang SK chairman sa buong bansa habang nasa 300,000 naman ang kailangang SK kagawad.
Sa huling datos mula sa COMELEC noong Sabado, alas-singko ng hapon, nasa higit 83,127 ang nagsumite ng COC para sa SK chairman at mahigit 335,779 naman ang nagsumite ng COC para sa SK kagawad.
Sinabi naman ni Jimenez na walong lungsod pa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang hinihintay ng COMELEC na magsumite ng kanilang turnout o bilang ng mga kakandidato.
Nakatakdang ilabas ng COMELEC ang kumpletong resulta ng turnout sa Miyerkules.