Extension ng estate tax amnesty, pasado na sa ikalawang pagbasa ng Senado

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2219 o ang pagpapalawig ng estate tax amnesty.

Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 11213 o ang Tax Amnesty Act upang palawigin sa ikalawang pagkakataon hanggang sa taong 2025 ang amnestiya na magtatapos sana ngayong Hunyo.

Sa deliberasyon sa plenaryo, nilinaw rin ng sponsor ng panukala na si Senador Sherwin Gatchalian na bukod sa extension ay naglagay rin sila ng mga bagong probisyon sa batas.


Binibigyan ng opsyon ang mga taxpayer para sa dalawang taong installment na pagbabayad ng kanilang buwis.

Babawasan din ang mga kinakailangang dokumento sa proseso ng pagbabayad ng buwis upang mas maging mabilis ang aplikasyon.

Sasaklawin na rin nito ang mga estate tax na ipinamana mula taong 2021 pababa.

Inaasahang sa susunod na linggo ay aaprubahan na ito sa 3rd and final reading upang sumalang sa bicam meeting hanggang sa maratipikahan bago ang adjournment sa June 2.

Facebook Comments