Extension ng martial law, inirekomenda ni General Bato sa mga senador

Manila, Philippines – Nagsagawa ng briefing sa Senado sina Department of Interior and Local Government o DILG acting secretary Catalino Cuy at Philippine National Police Chief General Ronald Bato Dela Rosa.

Kabilang sa mga humarap sa briefing ay sina Senate President Koko Pimentel, Majority Leader Tito Sotto III, at sina Senators Gringo Honasan, JV Ejercito at Win Gatchalian.

Ayon kay General Bato nang hiningan siya ng opinyon ukol sa martial law na umiiral sa buong Mindanao ay inirekomenda niya na palawigin pa ito dahil delikado pa ang sitwasyon sa Marawi na inatake ng Maute Terror Group.


Nang tanungin kung gaano katagal ang dapat na extension ay sinabi ni General Bato na hanggang maubos ang mga kalaban o tuluyang ma-clear ang Marawi.

Sabi pa ni General Dela Rosa, hindi maiaalis ang pangamba na lumabas sa marawi o kumalat sa iba pang lugar sa Mindanao ang karahasan na inihahasik ng Maute Group at iba pang grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Samantala, tinalakay din sa nabanggit na briefing kung paano matutulungan Senado na mapalakas ang kapabilidad ng Pambansang Pulisya para labanan ang terorismo.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments