Malabo at hindi maaaring mangyari na palawigin pa ang petsa ng ikinakasang overseas voting para sa 2022 elections.
Ito ang iginiit ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Marlon Casquejo dahil magiging labag ito sa saligang-batas ng ating bansa.
Aniya, nakasaad sa batas na ang overseas voting ay pinapayagan lamang hanggang sa araw ng botohan sa Pilpinas o sa May 9, 2022.
Ang pahayag ni Casquejo ay kasunod ng mga ulat na nagkakaroon ng mga delay sa overseas voting mula ng simulan ito noong April 10, 2022.
Pero paliwanag ni Casquejo, agad naman nang naayos ang problema at nakarating naman ang mga balota kung saan isang araw lang itong naantala.
Samantala, kanila namang tinututukan ang sitwasyon ng nasa 1,991 na Filipino voters sa Shanghai na nasa ilalim ng lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 kaya’t suspendido ang overseas voting.
Sinabi ni Casquejo na hihintayin pa nila ang desisyon ng COMELEC En Banc hinggil sa nasabing isyu.
Sa kasalukuyan, nasa 1,697,090 ang bilang ng nagparehistrong mga Filipino na nasa ibang bansa para makaboto ngayong halalan.