Handang aprubahan ng Kongreso ang panukalang palawigin muli ng isang taon ang martial law sa Mindanao.
Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr. – matataas ang posibilidad na mapabigyan muli ang hiling na extension basta at ihahayag ng pulisya at militar ang kanilang commitment na igalang ang constitutional rights ng bawat indibidwal.
Aniya, ang mga opinsyon at pananaw ng mga mambabatas mula sa Mindanao ang mahalagang papakinggan sa deliberasyon.
Subalit sa panig naman ng Senado hati ang opinyon sa pagpapalawig ng batas militar.
Ayon kay Senador JV Ejercito, pabor siya sa martial law extension dahil nalilimitahan nito ang galaw ng mga private armed groups at mapipigilan nito ang paggamit ng loose firearms sa rehiyon.
Para kay Senador Sonny Angara, bukas siya sa proposal pero kailangan aniya matalakay ito ng mabuti kasama ang mga security officials bago siya makabuo ng pinal na desisyon.
Tinutulan naman ito ni Senador Franklin Drilon dahil maituturing nang unconstitutional ang second extension.
Giit naman ni Senador Francis Pangilinan, dapat i-justify ng militar ang hiling na martial law extension.
Nagbabala rin si Pangilinan na posibleng magamit ang martial law sa pag-harass sa mga opposition candidates sa Mindanao sa nalalapit na 2019 Midterm elections.