Extensive contact tracing at testing, ikinasa ng Quezon City dahil sa OFW na nagpositibo sa COVID-19 UK variant; manning agency nito, sasampahan ng reklamo

Agad na nagkasa ang Quezon City government ng contact tracing at COVID-19 test matapos na isang nangungupahan sa Barangay Commonwealth ang nagpositibo sa United Kingdom variant ng Coronavirus.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, kahapon lang sila nasabihan na nanunuluyan sa isang apartment sa Riverside St. ang 35-anyos na lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Liloan sa Cebu na nagpositibo sa UK variant, kasama ang isang indibidwal.

Aniya, agad kinuha ang dalawa para isailalim sa quarantine at nagsasagawa na sila ng extensive contact tracing at testing sa lugar.


Nilinaw naman ng alkade na hindi pa maaaring isailalim sa lockdown ang lugar kung saan nanatili ang nasabing OFW dahil hindi pa naabot ang criteria na itinakda ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Belmonte na sasampahan ng paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang Baltic Asia Crewing Incorporated dahil sa pagtatago ng kalagayan ng nasabing OFW.

Nabatid na dumating sa bansa ang lalaki na isang Overseas Filipino Worker (OFW) noong August 2020 mula sa South Korea at nanatili sa Cebu.

Ika-17 ng Nobyembre nang lumipat ito ng Sucat, Parañaque at ilang beses nagtungo sa kaniyang manning agency sa Malate, Maynila.

Habang naghihintay ng kanyang deployment, sumakay ang lalaki ng taxi at nanatili sa isang hotel sa Maynila noong ika-17 ng Enero at sumalang sa swab test sa Pasay City sa parehong araw at kinabukasan ay nasabihang positibo sa COVID-19.

Ika-21 ng Enero ay dinala na ito sa isang apartment sa Riverside sa pamamagitan ng isang taxi na kinontak ng kanyang manning agency.

Facebook Comments