Tututok na sa external defense ang Armed Forces of the Philippines bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang diin ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na ito ngayon ang layunin ng National Task Force to End Local Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Sisiguruhin daw ni Año na maihahatid ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad kung saan nakatira ang maraming mga dating rebelde.
Ito aniya ay para wala nang maging dahilan para bumalik pa sa pa- aarmas ang mga ito at patuloy na mamundok sa halip ay ganap nang magbalik loob sa gobyerno at maging mas produktibong miyembro ng lipunan.
Pagbibigay diin pa ni Año na , mahalagang maipagpatuloy ang pagsuporta ng gobyerno sa mga liblib na barangay upang hindi man ganap na matuldukan na ang insurgency ay mabawasan nang malaki ang mga rebelde.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi na masyadong mauubos ang oras ng sandatahang lakas sa pagsawata sa mga rebelde sa halip ay malipat na sa pagbabantay sa ating mga teritoryo sa harap ng nagaganap ngayong geopolitics.