Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangan pa rin ng bansa ng external sources para mapondohan ang mga proyekto sa bansa at para lumago ang ekonomiya.
Ito ang ipinaliwanag ng senador sa kabila na rin ng pagpull out ng bansa na kumuha ng funding sources sa China sa ilalim ng official development assistance (ODA).
Ayon kay Gatchalian, dahil tayo ay maliit na bansa at maliit ang ekonomiya, kailangan natin ng tulong mula sa labas ito man ay sa pamamagitan ng investments, loans, capital raising o debt raising.
Hindi aniya uubra na aasa lang tayo sa ating sarili o sa domestic borrowing dahil maaari itong magresulta sa pagkawala naman ng mga private investments.
Bukod dito, napakaliit din aniya ng merkado ng bansa para dito lang umasa ang pamahalaan dahilan kaya dito naman pumapasok ang mga foreign direct investments (FDI).
Aminado naman si Gatchalian na ang “best case scenario” talaga ay kumuha ng investments sa halip na mangutang pero kapag hindi naman feasible o maisasagawa ang investment ay wala namang ibang pagpipilian ang gobyerno kundi ang mangutang.
Pero sa pangungutang naman aniya ay nagiging maingat din ang pamahalaan dahilan kaya umatras ang Pilipinas sa ODA mula sa China dahil sa nabibinbin lang ang mga proyekto at napakataas pa ng ipinapataw na interes.