Itinanggi ng Department of Justice (DOJ) na hindi na itutuloy ang extradition kay dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.
Ito ay matapos sabihin ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na ipinawalang bisa ng Timor Leste Supreme Court ang desisyon na i-extradite ang dating kongresista.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, fake news lamang ito.
Una nang sinabi ng kalihim na ngayong buwan uuwi ng bansa si Teves at may mga nakalatag nang gagawin gaya ng pagsundo sa kaniya gamit ang eroplano ng Philippine Air Force.
Si Teves ay nahaharap sa patung-patong na kaso at iniuugnay sa pagkamatay ni dating Governor Roel Degamo at siyam pang indibidwal.
Siya rin ang itinuturong nasa likod ng serye ng patayan sa lalawigan noong 2019.