
Hiniling ni House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña sa pamahalaan lalo na sa Department of Justice (DOJ) na agad simulan ang proseso ng extradition kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy patungo sa amerika.
Giit ni Cendaña, dapat panagutan ni Quiboloy ang mga maraming kasong kriminal sa Estados Unidos na may kaugnayan sa human trafficking, sexual exploitation, at pang-aabuso sa mga menor de edad.
Diin ni Cendaña, walang sinuman, kahit ang nagpapakilalang anak ng diyos, ang nakaaangat sa batas lalo na ang inaakusahan ng krimen laban sa mga bata at sa sangkatauhan.
Naniniwala si Cendaña, na kahit nasa loob ng bilangguan ay malawak pa rin ang kapangyarihan ni quiboloy sa relihiyon at pulitika sa bansa na nagpapahina sa imbestigasyon at nagdudulot ng panganib sa mga testigo.
Bunsod nito ay malinaw para kay Cendaña na mananatiling mailap ang hustisya para sa mga biktima ni Quiboloy kung mananatili ito sa Pilipinas.









