
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento mula sa Estados Unidos kaugnay sa extradition request para kay Pastor Apollo Quiboloy.
Pahayag ito ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty matapos lumabas ang ilang ulat na Hunyo pa natanggap ng kagawaran ang kopya ng extradition.
Sabi naman ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, hindi maaaring i-extradite agad ang isang tao hangga’t may nakabinbing kasong kriminal laban sa kanya sa ating mga korte.
Ibig sabihin, kailangan munang humarap sa Korte dito at kung mahahatulan, dapat muna niyang gugulin ang sentensiya bago isulong ang extradition.
Gayunpaman, nilinaw ni Clavano na may kapangyarihan pa rin ang mga korte na bilisan ang proseso kung kinakailangan, para hindi naman maantala nang husto ang isang valid na extradition request mula sa ibang bansa.
Wanted sa Amerika si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa mga kasong may kaugnayan sa sex trafficking, child abuse at money laundering.









