
Binaliktad ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang naunang desisyon kaugnay sa extradition ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang kopya na nagbabasura sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas na pabalikin sa bansa si Teves.
Pero sa isang pahayag, sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na ikinagulat at ikinadismaya nila ang ruling lalo na’t dalawang beses nang pumabor ang desisyon sa Pilipinas.
Unang kinatigan ng Timor-Leste Court of Appeal ang pagpapabalik kay Teves dito sa Pilipinas noong Hunyo at Disyembre ng nakaraang taon.
Tiniyak naman ng DOJ na makikipagtulungan sila kaugnay rito at hindi rin sila titigil at gagawin ang lahat ng legal remedies para masigurong maibabalik sa Pilipinas ang dating kongresista.
Nahaharap si Teves sa patung-patong na kaso dahil sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 pang indibidwal noong 2023.