Maaaring tanggalin ang face masks pagsapit ng Pasko ngayong taon kung makakamit ang herd immunity sa NCR Plus 8 areas.
Ayon kay OCTA Research Fellow Father Nicanor Austriaco, kapag nagkaroon ng sapat na supply ng COVID-19 vaccines sa Setyembre at Oktubre, ang Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu at Davao ay maaabot ang herd containment sa Oktubre at herd immunity sa Nobyembre.
Para maabot ang COVID-19 containment, sinabi ni Fr. Austriaco na 33 million vaccine doses ang ibigay sa 40 hanggang 50% ng NCR Plus 8 population.
Nasa 52 million doses ng COVID-19 vaccines naman ang kailangan para maabot ang herd immunity at mabakunahan ang 70% ng populasyon sa mga nabanggit na lugar.
Kinakailangan ding makapagbakuna ang pamahalaan ng nasa 250,000 tao kada araw sa NCR Plus 8.
Kapag nabakunahan ang mayorya ng populasyon sa NCR plus 8 ay tiyak na mapoprotektahan ang nalalabing bahagi ng bansa mula sa mga COVID-19 case surges.
Kaugnay nito, tiwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na mangyayari ang “no mask policy” sa Pasko.