Mariing kinontra ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang mungkahi na magkaroon ng kahit limitadong face-to-face classes.
Nanindigan si Go na hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19 ay hindi dapat magsagawa ng face-to-face classes para maproteksyunan ang mga estudyante at mga guro.
Ayon kay Go, malinaw rin ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na “no vaccine, no face-to-face classes” muna dahil mas dapat unahin ang kalusugan ng bawat bata at kalusugan ng bawat Pilipino.
Giit pa ni Go, hindi rin dapat ikumpara ang pagbubukas ng klase sa muling pagpapatuloy ng sabong at iba pang recreational activities.
Paliwanag pa ni Go, ang mga mag-aaral na nasa murang edad ay mas malilikot din kaya magiging bukas sila sa posibilidad na mahawa ng virus kapag pinapasok sa eskwelahan.
Ikinatwiran pa ni Go na sakaling magkaroon ng kaso ng COVID-19 dahil sa face-to-face learning ay masasayang ang halos isang taong pagpapatupad ng community quarantine measures.
Ayon kay Go, kapag nangyari ito ay magiging back to zero na naman ang lahat kung saan maaaring muling magsuspinde ng klase at magsagawa ng panibagong contact tracing.