Face-to-face classes, hindi dapat isagawa hangga’t walang bakuna

Nagpahayag ng pangamba si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa face-to-face classes na planong isagawa ng Department of Education (DepEd) sa January 2021 sa mga lugar na low-risk sa COVID-19.

Sa panayam habang namimigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Muntinlupa City, ay binigyang diin ni Go na makabubuting ipagpaliban ng DepEd ang face-to-face classes hangga’t wala pang bakuna laban sa COVID-19.

Iginiit ni Go na, iilang buwan na lang ay magsasara na ang school year kaya mainam na hintayin na ang COVID-19 vaccine para sa kaligtasan ng lahat lalo na ng mga guro at estudyante.


Ipinaliwanag ni Go na sa oras na magkaroon ng kahit isang positibong kaso ng COVID-19 dahil sa face-to-face classes ay back to square one, o back to zero na naman tayo at kakailanganin na naman ang panibagong contact tracing at hindi na maibabalik ang buhay na masasawi dahil dito.

Duda rin si Go na mayorya ng mga magulang ay papayag na papasukin sa eskwelahan ang kanilang mga anak.

Hiling ni Go, pag-aralan munang mabuti ng DepEd ang planong face-to-face classes dahil nakataya dito ang buhay ng bawat bata at bawat Pilipino.

Facebook Comments