Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna papayagan ang face-to-face classes hanggang sa Agosto ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi inaprubahan ng Pangulo ang pangukalang face-to-face classes hangga’t wala pang nabibigyan ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ayaw raw aniya ni Duterte na malagay sa alanganin ang buhay ng mga estudyante at guro kung itutuloy ang nasabing set-up ng klase.
Sa kabila nito, hindi naman inaalis ng Palasyo ang posibilidad na ibalik na ang face-to-face classes sakaling magsimula na ang COVID-19 vaccination program partikular sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Matatandaang una nang pinayagan ng Malacañang ang face-to-face sa ilang medical school para tiyaking hindi mauubusan ng medical health workers ang bansa sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pademic.