Inihayag ng Department of Education (DepEd) na posibleng sa Enero pa maibalik ang face-to-face classes.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda nang sa gayon ay madaling maikasa ang face-to-face classes oras na payagan na ito ni Pangulong Rodrigo Dutere.
Pero hangga’t hindi pa sigurado ang sitwasyon, tiniyak ng DepEd na pagbubutihin pa nila ang implementasyon ng blended learning.
“S’yempre po ang gagawin ay hindi sabay-sabay, magkakaroon tayo ng pilot run, at titingnan at aaralin kung ano yung mga aspeto ng pag-i-implement ng face-to-face na magiging sigurado ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro,” ani San Antonio sa interview ng RMN Manila.
“Baka po tama ang inyong haka-haka na January pa mapapayagan yung malawakang face-to-face pero sabi ko nga po, hindi naman ito bibiglain. Ang pinaghahandaan po natin sa first quarter ay ‘yong parang enhanced version ng ating blended distance learning.”
Umaasa naman ang DepEd na maglalabas ng desisyon ang Pangulo kapag marami na ang nabakunahan kontra COVID-19.