Face-to-face classes sa Bataan, suspendido ngayong araw hanggang bukas para sa sabayang pagsusuri ng mga imprastraktura at pasilidad sa paaralan

Sinuspinde ni Bataan Governor Joet Garcia ang lahat ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa buong lalawigan ngayong araw hanggang bukas, Oktubre 16–17.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Department of Education (DepEd) Memorandum No. 461 s. 2025 at sa direktiba ng DepEd Schools Division Office Bataan para isagawa ang sabayang pagsusuri ng imprastraktura, pagtatasa ng istruktural na integridad, at audit ng mga pasilidad.

Sa panahon ng suspensyon, lilipat ang mga estudyante sa modular distance learning o online learning upang mapanatili ang tuloy-tuloy na edukasyon.

Samantala, sa Lungsod ng Balanga, inianunsyo rin ng SDO Balanga City na suspendido ang face-to-face classes bukas, Oktubre 16, para sa mga pampublikong paaralan mula kindergarten hanggang senior high school.

Sa Biyernes, Oktubre 17, palalawakin ang suspensyon para saklawin ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod. Katulad ng ibang bayan, isasagawa rin dito ang modular o online learning bilang alternatibong paraan ng pagtuturo.

Ayon kay Governor Garcia, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng masusing pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali ng paaralan upang matiyak ang seguridad ng mga mag-aaral at mga guro.

Hinihikayat din ang lahat ng paaralan na tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng Alternative Delivery Mode (ADM).

Dagdag pa ng gobernador, suportado ng pamahalaang panlalawigan ang inisyatibong ito bilang proteksyon sa kapakanan ng bawat mag-aaral sa Bataan.

Facebook Comments