Face-to-face classes sa lahat ng paaralan, napapanahon na

Binigyang diin ni Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin “Win” Gatchalian na napapanahon nang buksan natin ang mga paaralan para sa face-to-face classes, lalo na’t nananatiling mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa.

Pagsuporta rin ito ni Gatchalian sa panawagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na buksan ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan para sa face-to-face classes.

Paliwanag ni Gatchalian, mahalaga ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa face-to-face classes upang lalong paigtingin ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa hagupit ng pandemya.


Katwiran pa ni Gatchalian, kung nakakapagbukas at nakakabangon na ang ibang mga sektor, hindi dapat mapag-iwanan ang sektor ng edukasyon upang matiyak ang magandang kinabukasan ng ating mga kabataan habang pinapasiglang muli ang ating ekonomiya.

Bagama’t nanindigan ang IATF na hindi magiging requirement ang pagbabakuna para sa face-to-face classes, iginiit naman ni Gatchalian na dapat tiyakin ng pamahalaang bakunado ang karamihan sa mga mag-aaral, lalo ang mga lima hanggang 11 taong gulang.

Facebook Comments