Face-to-Face Classes sa Region 2, Suspendido muna

Cauayan City, Isabela- Pansamantalang sususpindehin muna ang nasimulang Face-to-Face classes sa rehiyon dos.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepED Region 2, suspendido muna aniya ang F2F classes na isinasagawa ng sampung (10) paaralan sa rehiyon dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Una nang nagsagawa ng limited face-to-face classes noong Disyembre 2021 ang sampung paaralan na napili sa Lambak ng Cagayan na kinabibilangan ng Tabang Integrated School at Namuccayan Integrated School sa Sto. Niño, Cagayan; San Antonio Elementary School, San Lorenzo Elem. School, at Santa Isabel Elem. School sa City of Ilagan, Isabela; Villa Flor Elem. School, Cassap Fuera Elem. School, Maligaya Elementary School Annex, Devera Elem. School at Pinoma National High School sa Cauayan City, Isabela.

Ayon kay Dr. Paragas, kahit wala pang direktiba mula sa DepED National Office kaugnay sa suspension ng F2F classes ay minabuti nitong ibalik muna sa distance learning modalities ang pagtuturo sa mga mag-aaral.

Ito’y para na rin aniya sa kaligtasan at kabutihan ng mga guro’t mag-aaral laban sa banta ng COVID-19 at ng Omicron variant.

Iginiit ni Dr. Paragas na hindi hadlang ang pandemya para maihatid ang maganda at kalidad ng edukasyon sa mga estudyante.

Sa kabila ng nasabing suspensyon, magpapatuloy pa rin ang assessment at monitoring ng DepEd Region 2 sa mga paaralan na gustong magsagawa ng limited face-to-face classes.

Kaugnay nito, magkakaroon pa rin ng pagpupulong ang mga school’s division ngayong Linggo upang alamin ang mga feedbacks para sa gagawing improvement sa distance learning habang wala pang face-to-face classes sa rehiyon.

Facebook Comments