Ipinarerekonsidera ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa Department of Education (DepEd) ang face-to-face o regular classes sa mga lugar na walang naitalang COVID-19 cases at may limitadong digital capacity.
Sinabi ni Alvarez na bukod sa walang internet access at wala ring kakayahan ang mga pamilya sa mga malalayong probinsya na bumili ng gadgets, mayroon din aniyang mga pamilya na wala kahit telebisyon o radyo na magagamit para sa distance learning.
Nababahala rin ang kongresista dahil mismong ang mga guro ay hindi handa sa ganitong sistema kaya posibleng mabigo rin ang layuning mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga bata.
Paliwanag pa nito, maaaring ang istratehiya para sa Metro Manila at iba pang highly urbanized cities ay hindi epektibo sa ibang lugar dahil na rin sa magkakaibang sitwasyon.
Sabi ni Alvarez, kailangan ng area-specific approach sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante para walang mapag-iwanan kaya iginiit nitong payagan ang pagdaraos ng regular na klase sa mga lugar na hindi naman high-risk ang pagkalat ng COVID-19.