Facebook at Meta, pinagpapaliwanag ng isang senador dahil sa pagtanggal sa posts ng ilang opisyal at tanggapan ng pamahalaan

Pinagpapaliwanag ni Committee on Public Information and Mass Media Chairman Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang Facebook at Meta kaugnay sa umano’y pagtanggal nito posts ng ilang opisyal at tanggapan ng ating pamahalaan sa kanilang social media platform.

Ang hiling na paliwanag ay nakasaad sa liham na ipinadala ni Revilla kay Facebook Philippines President John Rubio.

Tinukoy ni Revilla ang restriction warning ng Facebook laban sa account ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., gayundin ang pagtanggal sa post ni Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera at sa account ng iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine News Agency.


Bukod dito ay marami ring natatanggap na reklamo si Revilla sa tahasang pag-suspinde ng Facebook sa mga account sa hindi malamang kadahilanan at tila pagsupil sa malayang pamamahayag.

Kinikilala ni Revilla ang mga hakbang ng Facebook at Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards.

Ngunit giit ni Revilla, sa pagkakataong ito ay tila nagmalabis ang social media platform at naging balakid sa pagganap sa tungkulin ng mga matataas na opisyal ng ating pamahalaan.

Dahil dito ay hindi maalis ni Revilla na magduda na ang mga aksyon ng Facebook at Meta ay parang lumalabas na nai-impluwensyahan ng politika.

Facebook Comments